Pagtaas ng COVID case sa ilang bahagi ng Mindanao at Western Visayas, posibleng abutin ng isang buwan

Posibleng abutin ng isang buwan ang naitatalang pagtaas ng COVID-19 cases, sa ilang bahagi ng Mindanao at Western Visayas.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Prof. Guido David ng OCTA Research, na karaniwan ay isang buwan ang inaabot bago mapababa ang kaso ng COVID sa isang lugar.

Minsan aniya ay tumatagal pa ng dalawang buwan ang naitatalang surge sa isang lugar, kahit pa nasa ilalim na ito ng heightened restrictions.

Halimbawa aniya sa Metro Manila at Cebu City, na inabot ng hanggang dalawang buwan bago humupa at nakontrol ang pagtaas ng COVID cases.

Dahil dito, kailangan aniya na ibigay ang suporta sa mga lugar sa Western Visayas at Mindanao, na nakakaranas ng spike sa mga kaso.

Kailangan aniyang magpadala ng mga gamit doon tulad ng testing kits, mas maraming bakuna, at healthworkers, upang mapalakas pa ang healthcare capacity doon.