Pagsusuot ng face mask, mandatory na sa Luzon ayon sa IATF

Mandatory na ang pagsusuot ng facemask para sa mga indibidwal na pinayagang makalabas ng kanilang tahanan sa ilalim ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon dahil sa COVID-19.

Ito ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles ay upang mapigilan pa ang pagkalat ng virus.

Sinabi ng kalihim na maaaring gumamit ang mga residente ng DIY facemask, earloop mask, reusable mask o panyo. Ang importante lamang aniya ay mayroong proteksyon ang bawat isa tuwing lalabas ng bahay.

Inaatasan naman ng IATF ang mga LGUs na magbaba ng executive order o ordinansya kaugnay dito na maglalaman ng parusa sa mga hindi susunod sa patakarang ito.