Pagsuot ng face masks sa public places sa QC, ipinag-utos na

Obligado na ang publiko na magsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar sa Quezon City.

Sa kanyang inilabas na executive order, umaasa si Mayor Joy Belmonte, na makakatulong ito para mabawasan ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19 sa lungsod.

Naglabas ng kautusan ang alkalde nang umapela sa mga local government unit (LGU) ang Department of the Interior and Local Government (DILG), na magpasa ng ordinansa para obligahin na ang publiko na magsuot ng face mask.

Inaatasan ng city government ang Quezon City Police District (QCPD), lahat ng barangay officials, Department of Public Order and Safety, Task Force Disiplina, Market Development and Administration Department, at iba pang concerned offices na ipatupad ang order.

Banta ng alkalde, may katapat na multa ang sino man na hindi susunod sa kautusan alinsunod sa batas o Republic Act No. 11332.

Mamamahagi na rin ng face masks ang city government sa mga residente, para wala ng dahilan para hindi sila sumunod sa kautusan.

Mananatiling epektibo ang kautusan hanggang matapos ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.