Pagsisiyasat sa pagkuha ng Presidential Legislative Liaison Office ng mga consultant at contractual workers, hindi pa tapos ayon sa Palasyo

Nilinaw ng Palasyo na hindi pa pinal at wala pang konklusyon ang Commission on Audit (COA) hinggil sa napaulat na gumastos ng higit apat na milyong piso ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) para lamang sa consultancy noong nagdaang taon.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na nasa estado pa lang ng paghingi ng paliwanag ang COA sa PLLO tungkol sa sinasabing paggugol nito ng tatlong milyong budget para sa sampung consultant at 20 pang contractual workers.

Paliwanag ni Roque, magkakaroon pa ng tinatawag na exit conference bilang bahagi ng proseso kaya’t hindi aniya patas na nagmukhang concluded na ang lumabas na ulat.

Mas maigi ayon sa tagapagsalita na maipaliwanag din naman ng PLLO ang kanilang panig at mula doon ay hintayin ang findings ng COA.

Sinasabing hindi saklaw ng budget ng ahensiya noong taong 2017 ang ginawang pagkuha ng PLLO ng nasabing bilang ng consultant at contractual workers. | via Alvin Baltazar