Pagsipa ng inflation rate hindi dapat isisi sa TRAIN Law – BIR

Mariing inihayag ni Shiela Joy Benedicto, Revenue Officer III ng Group Supervisor-Assessment Section ng Revenue District Office 113 West Davao na hindi dapat isisi lahat sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ang paglobo ng inflation rate ngayong taon.

Aniya, maliit lamang ang naiambag o epekto ng TRAIN Law sa pagtaas ng bilihin kaya hindi makatarungan na isisi lahat dito.

Nabigo aniyang tingnan ng mga kritiko ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado at idagdag pa dito ang paghina ng piso.

Hindi rin aniya makabubuti sa bansa kung sususpindihin ang nasabing batas dahil lubhang maaapektuhan ang programa ng pamahalaan na ‘Build, Build, Build’, maging mga social service tulad ng edukasyon, kalusugan at iba pa.

Giit ni Benedicto, mas mabuting tulungan na lamang ng taumbayan ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis upang matustusan ang programang maghahatid ng serbisyong kinakailangan ng publiko.

Maaari aniyang isumbong sa BIR ang mga establisyimento o malalaking tindahan na hindi nag-iisyu ng resibo at hindi nakarehistro sa kanilang tanggapan.

Una nang sinabi ni Benedicto na nangangamba ang RDO 113 West Davao na posibleng hindi nila maabot ang kanilang target goal ngayong taon na nasa mahigit anim na bilyong piso dahil umano sa pagbaba ng withholding at percentage tax at pagkawala ng account ng DPWH-XI sa kanilang distrito. | ulat ni Dang Sabdani – DXRP Radyo Pilipinas Davao