Pagsibak sa serbisyo ng 5 pulis sa pagdukot at pagpatay sa online seller, ipinag-utos ni Eleazar

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang PNP Internal Affairs Service (IAS) na madaliin ang dismissal proceedings laban sa limang pulis na sangkot sa pagdukot, pagpatay, at pagsunog ng bangkay ng isang online seller sa Nueva Ecija.

Kinilala ni Eleazar ang mga pulis na sina: PSSG Benedict Matias Reyes ng Sta. Rosa Municipal Police Station; PSSG June Malillin ng Palayan City Police Station; PCPL Julius Alcantara ng Nueva Ecija Provincial Police Office Drug Enforcement Unit;
PMSG Rowen Martin ng Cabanatuan City Police Station; at PSSG Drextemir Esmundo, ng Cabiao Municipal Police Station.

Bukod sa limang pulis, sangkot din ang mga sibilyan na si Franklin Macapagal at Dario Robarios sa pagpatay kay Nadia Casar base sa testimonya ng mga testigo.

Sa ngayon, sina Reyes, Malillin, Alcantara, at Robarios ay nasa kustodiya na ng mga pulis habang sina Martin, Esmundo, at Macapagal ay at-large o pinaghahanap pa.

Dinukot umano ng tatlong armadong lalaki si Casar noong July 20 matapos na makipagkita sa suspek na si Macapagal sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Natagpuan ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) ang sinunog na bangkay ni Casar sa Sitio Pinagpala, Barangay Imelda Valley, Palayan City, Nueva Ecija nitong August 1.