Pagsentensya sa comptroller ng PMA, kinumpirma ng AFP 

Kinumpirma ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasentensiyahan na ng General Court Martial ang dating comptroller ng PMA na si Lt. Col. Hector Maraña, dahil sa paglulustay nito sa pondo ng mga kadete.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr., Si Maraña ay nasentensiyahan ng military court noong nakaraang buwan, ng 10 taon na pagkakabilanggo dahil sa pagkuha ng nasa P14 million na pondo.

Kagabi pinirmahan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang dimissal order ni Maraña.

Ayon kay Gen. Galvez, kanilang isinumite sa Pangulo ang rekomendasyong parusa kay Maraña batay sa naging desisyon ng General Court Martial.

Ang pagsentensya kay Maraña ay kasunod ng pagkakasibak sa pwesto ng 20 opisyal at tauhan ng AFP Health Service Command sa V. Luna Medical Center dahil din sa korapsyon, na ihaharap din sa court martial.

Tiniyak naman ni Galvez na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng korapsyon sa AFP.  | ulat ni Leo Sarne