Pagsasara ng ilang kalsada sa Maynila para sa “Charity Walk” ng Iglesia ni Cristo bukas, mamayang alas-10:00 na ng gabi — MMDA

Simula mamayang alas-10:00 ng gabi isasara na sa mga motorista ang ilang kalsada sa Maynila para bigyang-daan ang malaking aktibidad ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand bukas.

Ang aktibidad ay tinawag na Worldwide Walk to Fight Poverty na inaasahang dadaluhan ng mahigit kalahating milyong katao.

Ngayon pa lang, pinayuhan na ng Metro Manila Development Authority ang mga motorista na iwasan muna ang pagdaan sa Roxas Boulevard bago maghatinggabi dahil ang Northbound at Southbound ng Roxas Boulevard mula Buendia hanggang Padre Burgos ay isasara.

May mga alternate routes naman na itinalaga ng MMDA para sa mga motorista na dumadaan sa lugar mula Maynila hanggang Pasay City.

Hindi rin malilito ang mga motorista sa mga alternate route dahil bukod sa mga signages na ilalagay sa kalsada, may 200 tauhan din ng MMDA ang idi-deploy para umalalay dito.

Ang tinaguriang Charity Walk ay babagtas sa bahagi ng Diosdado Macapagal Avenue, Buendia Avenue, Taft Avenue, at Road 10 sa Maynila kaya lahat ng mga kalsada na nag-uugnay dito ay apektado

Muling bubuksan ng MMDA ang mga saradong lansangan alas-10:00 ng gabi ng Mayo 6. | via Rey Ferrer