Pagsasapubliko ng mga pangalan ng barangay officials na sangkot sa illegal drugs- itinanggi ng PDEA

Pinabulaanan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, ang napaulat na ilalabas na nito ang listahan ng may 289 na narco barangay executives.

Sa isang statement, nilinaw ni Aquino na hindi niya direktang sinabing ilalabas ang kumpletong talaan ng mga sangkot na barangay officials sa ilegal na droga.

Malinaw ang kanyang naunang inilabas na statements na kung siya ay masusunod at ipag-uutos ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, dapat na ngang isapubliko ang narco list sa barangay.

Una nang napaulat na gusto umano ni Aquino, na mabunyag na sa publiko ang mga barangay officials na sangkot sa ilegal na droga, upang hindi na iboto sa darating na Barangay at SK elections sa Mayo 14. | via Rey Ferrer