Pagsasalegal ng motorcycles-for-hire, pinanawagan ni Sen. Angara

Sa harap ng tumitinding bigat ng trapiko sa Metro Manila, isinusulong ni Senador Sonny Angara na gawin nang legal ang operasyon ng mga motorcycle-for-hire.

Ayon kay Angara, dahil sa pagpalya ng ilang mass transit system nitong mga nakalipas na araw, ang mga habal-habal at raid hailing app gaya ng ‘Angkas’ na lamang ang tanging inaasahan ng mga commuter para makarating sa kanilang destinasyon.

Giit ng senador, sa ngayon ay hindi pa talaga legal ang operasyon ng mga ito sa ilalim ng Land Transportation and Traffic Code, na nakakasakop ng registration at operasyon ng lahat ng motor vehicles sa bansa.

Sa ilalim ng naturang batas, pinapayagan lang ang paggamit ng mga motorsiklo bilang pampribado o pang gobyerno at hindi ito maaaring gamitin bilang isang uri ng pampublikong transportasyon.

Kaya naman dahil sa demand na ngayon ng serbisyo ng mga motorcycle for hire, isinulong ni Angara ang Senate Bill 1035 na mag aamyenda sa Transportation and Traffic Code, upang mapabilang na sa mga legal na uri ng public transportation ang mga motorsiklo.

Kabilang sa requirement na pinapanukala, ay dapat merong minimum na engine displacement na 125 cubic centimeters ang motor.

Inaatasan rin ang Land Transportation Office (LTO) na tiyakin ang road worthiness ng mga magrerehistrong motorsiklo.