Pagsasailalim sa mahigit 2 taong rehabilitasyon ng MRT-3 sa pangangasiwa ng JICA, isasapinal na sa Mayo

Inaasahang sa buwan ng Mayo maisasapinal na ang appraisal mission, exchange of notes at Loan Agreement sa pagitan ng Department of Transportation (DOTr) at ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ito ay para opisyal na pagtibayin ang Japan-financed rehabilitation at maintenance project sa Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3).

Batay sa technical discussions ng dalawang partido, layunin ng rehabilitasyon na ibalik sa orihinal na ‘design condition’ ang MRT-3 na inaasahang magagawa sa loob ng 26 na buwan o mahigit dalawang taon.

Kabilang sa aayusin ng JICA ang power supply, overhead catenary, radio, CCTV, public address at signaling systems ng train line.

Maliban dito, saklaw rin ng rehabilitation works ang pagsasaayos sa kondisyon ng rail tracks, elevators at escalators, depot equipment at iba pang kagamitan sa mga station building.

Matapos ang determinasyon ng mga ito ay saka pa lamang malalaman ngayong buwan ang tinatayang gastusin ng proyekto sa nagpapatuloy na fact-finding missions ng DOTr at JICA. | via Shane Juan