Pagsasailalim sa Boracay sa “state of calamity,” irerekomenda ng NDRRMC sa Pangulo

Irerekomenda sa Pangulo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang pagsasailalaim ng Boracay
island sa State of Calamity.

Ito ang napagkasunduan sa pagpupulong ng NDRRMC kahapon, na pinangunahan ng NDRRMC Chairperson, Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sa naturang pagpupulong, napagusapan ang deklarasyon ng state of calamity sa tatlong barangay, na kinabibilangan ng Balabag, Manoc-Manoc, at Yapak sa Malay Aklan.

Ang nasabing rekomendasyon sa tatlong barangay ay magtatagal ng isang taon para bigyang daan ang rehabilitasyon sa isla.

Base kasi sa imbestigasyon at validation na isinagawa ng Department of Interior and Local Goverment (DILG) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), lubhang naapektuhan ang ecological balance ng isla dahil sa improper waste management at encroachment sa protected areas ng mga itinayong istraktura.

Nabatid naman sa imbestigasyon ng Department of Science and Tchnology (DOST), na nagkaroon na ng beach erosion sa Boracay island ng halos 40 metro partikular sa West beach sa loob ng 20 taon, mula taong 1993 hanggang 2003.

Nakatakdang ipatupad ng pamahalaan ang closure order sa isla ng Boracay sa darating na Abril 26. | via Leo Sarne