Pagsasailalim ng ilang lugar sa Cebu sa election watchlist, pinag-aaralan – Albayalde

Pag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) kung isasailalim nila sa election watchlist ang ilang lugar sa Cebu, kasunod ng pananambang sa grupo ni San Fernando, Cebu Mayor Lakambini Reluya.

Sa ambush sa Talisay City kamakalawa ng gabi, napatay ang asawa ni Mayor Reluya na si Brgy. Captain at ABC President Ricardo Reluya Jr. at dalawang kasamahan, habang sugatan naman si Reluya at dalawa pang kasama.

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, pwede nilang i-recommend sa COMELEC na mapabilang sa election hotspots ang ilang lugar sa Cebu, dahil na rin sa ilang insidente ng pamamaril sa lalawigan kamakailan.

Pero nasa COMELEC aniya ang desisyon kung ito ay isasailalim sa COMELEC control.

Magugunitang kamakailan ay inilabas ng PNP ang kanilang “watch list” ng 18 bayan at siyudad na kanilang itinuturing na areas of concern sa darating na midterm elections, dahil sa mainit na tunggalian sa pulitika.

Sa ngayon, tinitignan ng PNP ang posibilidad na “politically motivated” ang tangka sa buhay ni Mayor Reluya. | ulat ni Leo Sarne