Pagsasagawa ng mga checkpoints, pwedeng i-video ng mga motorista — PNP Spox Durana

Pwedeng i-video ng mga motorista ang pagsasagawa ng checkpoint ng mga pulis para masiguro na ito ay isinagawa sa maayos na paraan.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana kasabay ng pagpapaalala sa mga tamang paraan ng pagsasagawa ng mga checkpoints.

Ito’y kasunod ng paglulunsad noong linggo ng hatinggabi ng mga nationwide Commission on Elections (COMELEC)-Philippine National Police (PNP) checkpoints bilang paghahanda sa Midterm Elections.

Ayon kay Durana ang mga checkpoints ay dapat isagawa sa isang maliwanag na lugar, at ang mga nagmamando nito ay dapat naka-uniporme at magalang sa kanilang pakikitungo sa mga motorista.

Dapat din aniya na ang nagsasagawa ng checkpoint ay pinamumunuan ng isang Police Commissioned Officer at may kaukulang mga “signage”.

Visual Inspection lang aniya ang isasagawa ayon sa “plain view doctrine”, at saka lang pwedeng halughugin ang sasakyan kung may makitang kontrabando at magpatupad ng aresto kung kakailanganin.

Hindi aniya kailangang bumaba sa sasakyan ang motorista at husto nang ibaba lang ng konti ang bintana para magkarinigan sila ng pulis na nasa checkpoint.  | ulat ni Leo Sarne