Pagsasabit ng tarpaulins ng mga politiko sa Fiesta ng Black Nazarene, huwag nang gawin — EcoWaste Coalition

Bagama’t paulit-ulit na ipinanawagan at paulit-ulit ding binabalewala, muling umapela ang EcoWaste Coalition sa mga politiko na huwag nang magsabit pa ng mga tarpaulins sa Fiesta ng Itim na Nazareno na bumabati ng Happy Fiesta at Happy New Year.

Ayon kay Daniel Alejandre, ang Zero Waste campaigner ng environmental group, ngayon pa lang marami nang nagsulputang tarpaulines at billboards na may mga pangalan at mukha ng mga politiko sa Quiapo at Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Umaasa pa ang grupo na pakikinggan ng mga politiko ang kanilang panawagan at ititigil na ang premature campaigning sa halip ituon na lamang ang kanilang atensyon sa okasyon ng poong Nazareno.

Una nang hinimok ng EcoWaste Coalition at Commission on Elections ang mga political aspirants na igalang ang kabanalan ng Traslacion at iwasan ang paglalagay ng mga banners at posters gayundin ang pamamahagi ng mga leaflets at iba pang campaign materials.

Pwede na naman daw silang mamahagi ng mga pagkain at tubig sa mga deboto at pagdeploy ng kanilang volunteers sa ruta ng prosisyon para tumulong sa paglilinis ng kalat na basura.

Ngayong umaga, makakasama ng EcoWaste Coalition ang mga taong simbahan at community groups at magsasagawa sila ng event sa harap ng Quiapo Church upang suportahan ang trash-less Traslacion.  | ulat ni Rey Ferrer