Pagsasabatas ng Universal Health Care bill, hiniling ng vulnerable sectors na pabilisin na

Nagkaisa nang manawagan sa mga mambabatas ang vulnerable sectors para isabatas na ang panukalang Universal Health Care na sinertipikahan bilang urgent ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay New Vois Association of the Philippines President Emer Rojas, naniniwala sila na kapag naging batas ang panukala magiging pantay na ang delivery ng health services sa mamamayan, ito man ay mayaman o mahirap.

Sinabi ni Rojas, na 74% sa kabuuang populasyon ang walang kakayahan na maka-access sa basic health services kaya’t binabalewala na lamang ang mga public health centers.

Sinabi pa nito na sa pagtatapos ng taon aabot na sa 8 milyon ang senior citizens, kung saan 31.4 % dito ay namumuhay ng mahirap habang 1.6 million naman o 1.57 % ng kasalukuyang populasyon ay mga taong may kapansanan (persons with disabilities -PWD) base sa 2010 national census.

Pabor din ang sektor na itaas ang buwis sa tabako upang may pagkukunan ng pondo para sa universal health care.

Kailangang makalikom ang pamahalaan ng P136 billion hanggang P256 billion na pondo para sa implementasyon nito kapag naisabatas na. | ulat ni Rey Ferrer