Pagsasabatas ng SOGIE Equality bill, suportado ni PRRD

Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasabatas ng Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality bill.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, makaraang mag-viral sa social media ang isang transgender woman, matapos pagbawalan na gumamit ng ladies comfort room sa isang mall sa Quezon City.

Ayon kay Panelo, dapat nang maisulong ang panukalang ito, upang maprotektahan ang karapatan ng third gender at upang mailayo ang mga ito sa diskriminasyon.

Bagamat ipinauubaya na ng Palasyo sa Kongreso ang pag-usad ng nasabing panukala, sinabi ni Panelo na susuportahan ito ng Pangulo, lalo’t nais raw ng Pangulo ang patas na pagtrato sa lahat.

Matatandaan na dalawang dekada nang isinusulong ng LGBTQ+ ang pagpapasa ng nasabing anti-discrimination bill, na bigo ring maisabatas nitong 17th congress.