Pagsasabatas ng pondo para sa Teaching Supply Allowance ng mga guro, ipinanawagan ni Dep. Spkr. Vilma Santos-Recto

Inihain ni Deputy Speaker at Batangas Representative  Vilma Santos Recto ang House Bill 34-49 o ang panukalang Teaching Supplies Allowance Act.

Layon nitong maglaan ng pondo para pambili ng mga teaching supplies tulad ng chalk, papel, forms at iba pa ng mga public school teachers na kukunin sa budget ng Department ng Education (DepEd).

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng P3,500 pesos na supply allowance ang kada guro sa unang taon ng pagiging epektibo ng batas.  Kukunin ito mula sa kasalukuyang pondo ng DepEd.

Karagdagang P6,500 ang ibibigay na kukunin naman mula sa savings ng departamento.

Sa mga susunod na taon ay gagawin na itong P10,000 at isasama na sa taunang budget ng DeoEd.

Sa kasalukuyan, lumalabas na P16 lang kada araw na subsidy para sa teaching supplies ng mga guro.

Ito ang nakikitang solusyon ni Recto upang  matulungan ang nasa mahigit 800 public school teachers na mismong sa sariling bulsa na nanggaling ang pambili ng mga gamit panturo sa kabila ng kanilang mababang sahod.

Aminado ang mambabatas na hindi agad mai-tataas ang sahod ng mga guro base na rin sa sinusunod na Salary Standardization Law kaya’t umaasa siya na maipapasa ang naturang panukala.