Pagsasabatas ng GCTA, ‘di dapat isisi sa kasalukuyang administrasyon

Hindi dapat kay Pangulong Rodrigo Duterte isisi ang pagsasabatas ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Reaksiyon ito ng Malacañang matapos kuwestiyunin ni Ginang Thelma Chiong, ang ina ng rape-slay victims na sina Jacqueline at Marijoy Chiong ang aniya’y pagpapatupad ni Pangulong Duterte sa GCTA law, at paglaya ng tatlong nahatulan sa kaso ng kanyang mga anak.

Paglilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa nagdaang administrasyon naisabatas ang GCTA law at hindi sa panahon ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Panelo, pati ang pagbalangkas sa IRR o implementing rules and regulations ay ginawa noong nakaraang administrasyon sa pangunguna nina Senadora Leila de Lima, na noon ay dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.

Dagdag ng tagapagsalita ng Palasyo, na bago pa umano umupo sa pwesto si Pangulong Duterte ay nakasanayan na ang pagpapalabas sa mga presong nagkasala at nahatulan sa kasong may kinalaman sa mga heinous crimes, na naisiwalat sa congressional hearing kahapon.