Pagsasaayos ng komposisyon ng task force kontra COVID-19, isinusulong ni Sen. Imee Marcos

Nanawagan si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na ayusin ang komposisyon ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Para kasi sa senadora, tila watak-watak at nakakalito ang kasalukuyang IATF dahil sa pagkakaroon ng iba’t ibang czar — gaya ng testing, vaccination, at treatment czar — nariyan pa aniya ang Department of Health (DOH), PhilHealth, OCTA Research, at iba pang mga grupo.

Kaya naman giit ni Marcos na mainam na ganap nang pag-isahin ang mga hakbang at polisiya ng mga ito sa iisang task force.

At sa pagsasaayos ng IATF, minungkahi ng mambabatas ang kahalagahan na maisama bilang miyembro ang mga pinuno ng local government units (LGUs) lalo’t sila aniya ang direktang tagapagpatupad ng mga hakbang kontra COVID-19.

Maigi rin aniyang may kinatawan sa IATF ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) upang maisama rin ang kanilang boses sa konsiderasyon sa pagbuo ng mga polisiya.