Pagsang-ayon ng CHR na ituloy ang Salugpungan Schools, inalmahan ng IPs

Hindi nagustuhan ng mga katutubo mula sa Mindanao ang pagsang-ayon ng Commission on Human Rights (CHR) na dapat lang ituloy ang operasyon ng Salugpungan Schools.

Ayon kay Bae Anna Jessamae Crisostomo, mula sa Ovu-Manobo tribe, hindi sila mga Lumad kaya hindi nila kailangan ang Salugpungan.

Bagkus ang kailangan nila ay ang tribe school na magtuturo sa kanilang kaugalian at tradisyon.

Ayon naman kay Datu Asenad Bago, pagsasanay para maging rebelde ang tinuturo sa Salugpungan school, at ang tinuturing na bayani ay ang mga napapatay na miyembro ng New People’s Army (NPA).

Tinawag naman ni Datu Nestor Apas ng Langilan Manobo tribe ang CHR na walang silbi dahil nagmistulang kaanib ng NPA ang komisyon.

Mas binibigyan pa ng halaga nito ang karapatang pantao ng mga napapaslang na kaanib ng NPA, sa halip na pangalagaan ang karapatan ng may 1,000 elders at leaders ng tribu na pinatay ng teroristang grupo.

Sinabi pa ni Datu Apas, na sa murang edad na limang taon, tinuturuan na ang mga estudyante na humawak ng baril, habang ang iba ay ginagawang espiya ng NPA laban sa militar.