Pagsampa ng kaso sa grupong Karapatan sa pagtangay sa batang testigo sa Sagay massacre, kinumpirma

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na sinampahan na ng kasong kidnapping ang grupong Karapatan sa pagtangay umano nito sa batang testigo sa Sagay massacre.

Una rito, iniulat ni Philippine Army 303rd Infantry Brigade Commander Col. Benedict Arevalo na ang ama ng bata na si Vic Pedoso ang naghain ng reklamong kidnapping at serious illegal detention laban sa isang Atty. Panguban ng National Union of Pilipino Lawyers (NUPL) at sa grupong Karapatan.

Sa ulat ng militar unang tinangka ng NULP at Karapatan na makuha ang bata mula sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at PNP sa pag-gamit umano ng mga tao na nagpanggap na mga lolo at lola ng bata.

Nang hindi ito umubra, niloko umano ng mga ito ang ina ng bata at siya ang ginamit para mapilit ang DSWD na i-turn over sa kanila ang kustodiya ng bata.

Pero umalma ang ama ng bata dahil ginawa umano ito ng walang paalam sa kanya, kaya niya inireklamo ng pangingidnap ng abogado at ang grupong Karapatan.

Ayon kay PNP Chief, hindi makatarungan na isailalim sa kustodiya ng grupo ang isang bata na hindi nila kaano-ano at pigilang magsalita.

Dagdag ng PNP chief, sa ngayon ay hindi pa niya matiyak ang lokasyon ng bata.  | ulat ni Leo Sarne