Pagsabog ng motorsiklo sa Talayan, Maguindanao kahapon, kinumpirma ng PNP na IED 

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Sr. Supt. Bernard Banac na isang improvised explosive device o IED ang naging sanhi ng pagsabog ng isang motor sa kahabaan ng National Highway sa Sitio Nes, Tambunan 1, Talayan, Maguindanao kahapon ng tanghali.

Iniulat ni Banac na batay sa imbestigasyon, dalawang suspek na nakasakay sa magkahiwalay na motorsiklo patungong Isulan, Sultan Kudarat ang huminto sa tabi ng daan malapit sa tindahan ng prutas.

Nagkunwaring bumili ng prutas ang isa sa mga suspek at pagkatapos ay sumakay sa pangalawang motorsiklo at iniwan ang kanyang motorsiklo na naglalaman ng IED.

Sumabog ang EID habang dumadaan ang convoy ni Datu Ali Midtimbang Sr., na kandidato sa pagka-alkalde ng Talayan.

Walang iniulat na sugatan sa pagsabog maliban sa isang fruit vendor na nagtamo ng konting galos sa kamay.

Na-rekober ng rumespondeng EOD team ng Philippine Army at mga pulis ng Talayan Municipal Police Station sa blast site ang isang 81mm mortar, dalawang pirasong bateryang 9 volts, isang cellphone circuitboard, 15 pirasong 1-inch concrete nails, at ang iniwang pulang Honda XRM motorcycle.

Tiniyak ng PNP na walang dapat pangambahan ang publiko sa naturang insidente dahil ito ay isolated at malayo sa voting areas.  | ulat ni Leo Sarne