Pagresolba sa mis-encounter sa Mandaluyong, ipauubaya muna sa Mandaluyong PNP at NCRPO – PNP Spokesman

Sa naturang insidente, dalawa ang patay at dalawa ang sugatan matapos pagbabarilin ng mga pulis ang isang puting Mitsubishi Adventure na sakay ang isang unang biktima ng pamamaril na si Joana Amboa, na dadalhin sana sa ospital.

Ipauubaya na muna ng pambansang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa Mandaluyong PNP at National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang pagresolba sa madugong mis-encounter kagabi sa Mandaluyong.

Sinabi ni PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos na sa ngayon ay wala pang dahilan para itaas sa national level ang isyu habang on-going pa ang imbestigasyon sa insidente sa local level.

Sa naturang insidente, dalawa ang patay at dalawa ang sugatan matapos pagbabarilin ng mga pulis ang isang puting Mitsubishi Adventure na sakay ang isang unang biktima ng pamamaril na si Joana Amboa, na dadalhin sana sa ospital.

Napagkamalan ng mga rumespondeng pulis ang sasakyan na get-away vehicle ng mga bumaril sa unang biktima base umano sa impormasyon mula sa mga barangay tanod.

Una nang sinabi ni Eastern Police District Director Reynaldo Biay na sa tingin niya ay miscommunication ang naging problema, at hihingi siya ng update sa imbestigasyon kay Mandaluyong Chief of Police Superintendent Moises Villarin, para maisumite kay NCRPO Director Albayalde.

Nakatakda namang magtungo sa Mandaluyong PNP si Albayalde ngayong umaga upang kausapin ang mga pulis na involved at magsagawa ng pag-inspeksyon sa pinangyarihan ng insidente pagkatapos nito. | via Leo Sarne