Pagpuna sa isyu ng Chinese workers, posible daw na makaapekto sa OFWs sa China

Dapat umanong magdahan-dahan ang gobyerno sa panghuhuli sa mga Chinese workers sa bansa.

Ito ang babala ni Professor Lucio Pitlo ng Chinese Studies Program sa Ateneo de Manila University.

Sa ginanap na media forum sa Quezon City, sinabi ni Prof. Pitlo na dapat timbangin ng gobyerno ang isyu ayon sa umiiral na pakikipag-kaibigan ng China sa Pilipinas.

Aniya, kung susuriin mas malaking job opportunities para sa mga Pinoy workers ang binubuksan sa bilateral na kasunduan sa China.

Dagdag nito, dapat isaalang-alang ang kapakanan ng may 35,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho ngayon sa Hongkong at Macau.

Mainam din na mabigyan ng kaluwagan ang mga Chinese investors na maimpleyo ang kanilang kababayan sa umuusad na construction industry.

Dapat lamang aniya na tiyakin ng Immigration at Labor Department na naaayon sa batas ang pagpasok ng mga Chinese workers at hindi maaagawan ng trabaho ang mga Pinoy.  | ulat ni Rey Ferrer