Pagpili sa magiging susunod na Ombudsman, nakadepende sa isusumiteng shortlist ng JBC — Palasyo

Nakadepende pa rin sa shortlist ng Judicial and Bar Council kung pag-uusapan ay kung sino ang susunod na magiging Ombudsman kapalit ng nakatakdang magretiro na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
 
Inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na kanilang aantabayanan ang ilalabas na shortlist ng JBC kung saan, dito naman pipili si Pangulong Rodrigo Duterte.
 
Ilan sa mga nabanggit na nagsipag-aplay sa mababakanteng pwesto sina Edna Batacan, Rex Rico, Rey Ifurung, Felito Ramirez, Rainier Madrid, Judge Carlos Espero II, Special Prosecutor Edilberto Sandoval, Labor Secretary Silvestre Bello III, Supreme Court Associate Justice Samuel Martires at Sandiganbayan Associate Justice Efren Dela Cruz.
 
Dagdag ni Roque na kanyang lilinawin sa Presidente kung ano ang pakahulugan nito sa naging pahayag kagabi ng Pangulo na ang gusto niyang maging susunod na Ombudsman ay lalaki.
 
Sabi kasi ng Pangulo, ayaw niya na babae ang maupo bilang maging successor ni Morales. | via Alvin Baltazar