Pagpatay sa abogado ng NUPL sa Kabankalan, Negros Occidental, kinundena ni PRO6 Director Bulalacao

Mariing kinundena ni Police Regional Office (PRO 6) Director Csupt John Bulalacao ang pamamaril at pagpatay kay Atty. Benjamin Tarug Ramos Jr., 56, na founding member ng National Union of People’s Lawyers (NUPL).

Batay sa police report, si Atty. Ramos ay pinagbabaril kagabi ng alas-10:30 ng dalawang motorcycle riding suspects, sa Rojas St., Brgy. 5, Kabankalan City.

Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa dibdib ang abogado at idineklara itong dead on arrival sa Holy Mother Mercy Hospital sa Kabankalan City.

Agarang ipinag-utos ni Bulalacao ang malalimang imbestigasyon at mabilis na pagresolba sa insidente.

Ayon kay Bulalacao, batay sa inisyal na imbestigasyon, si Atty. Ramos ay karaniwang nagsisilbing abogado ng mga pinaghihinalaang rebelde at drug personalities.

Tiniyak ni Bulalacao sa pamilya ni Atty. Ramos, na gagawin ng Philippine National Police (PNP) ang lahat para maaresto ang mga suspek sa krimen, at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima. | ulat ni Leo Sarne