Pagpatay ng NPA sa isang konsehal sa Cagayan, kinondena ng AFP

Mariing kinondena ng Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines ang pamamaril at pagpatay ng New People’s Army sa isang konsehal sa Allacapan, Cagayan.

Kinilala ni Col. Isagani Nato, tagapagsalita ng NOLCOM ang biktima na si incumbent Sangguniang Bayan member Ronel “Zaldy” Millare na isang retiradong pulis.

Si Millare ay binaril ng mga hindi kilalang motorcycle-riding gunmen sa kanyang welding shop sa Brgy. Labben, Allacapan bansang alas-5:30 ng hapon kahapon.

Matapos ang insidente ay inako ng Communist New People’s Army Terrorist Group (CNTG) sa ilalim ng Danilo Ben Command, NPA West Cagayan ang pagpatay kay Millare na kanilang inakusahan na ispiya ng military intelligence.

Ipinaabot ng NOLCOM at ng liderato ng Cagayan sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba, Chairman of Provincial Peace and Order Council (PPOC), ang pakikiramay sa mga naulila ni Councilor Millare.

Kasabay ito ng pagtiyak na bibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng konsehal at pananagutin ang NPA sa kanilang karumal-dumal na krimen. | via Leo Sarne