Pagpatay ng ina sa sariling anak sa Laguna, patunay na dapat ituloy ang drug war

Ang insidente ng karumal-dumal na pagpatay ng isang ina sa kanyang sariling anak sa Bgy. Tuy, Rizal, Laguna ang isang rason kaya dapat pang paigtingin ng pamahalaan at supilin ang pagkalat ng iligal na droga.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, nakakagimbal ang naturang insidente ng krimen, na kung saan ay mula mismo sa kamay ng isang ina humantong ang kamatayan ng anak nito dahil sa ipinagbabawal na gamot.

Hindi ani Andanar, katanggap-tanggap na palampasin ang ganitong mga insidente kaya’t dapat lang na magtuloy-tuloy ang gobyerno na gawin nito ang mandatong sugpuin ang pamamayagpag ng illegal drugs.

Nakalulungkot ayon sa kalihim, na may mga buhay na nawawala at mga pamilyang nawawasak dahil sa droga.

Patay ang limang taong gulang na sinakluban ng unan ng kanyang sariling ina, habang sugatan ang 11 taong gulang na kapatid nito matapos na pagsasaksakin at ngayon ay patuloy na nagpapagaling sa isang pagamutan.