Pagpataw ng community service na parusa sa minor offenses, aprubado na ng Korte Suprema

Aprubado na ng Korte Suprema ang guidelines sa pagpapatupad ng community service, bilang kaakibat na parusa sa mga akusadong nasentensyahan ng minor offenses.

Layunin ng hakbang, na magpatupad ng jail decongestion o mabawasan ang sobrang dami ng mga bilanggo sa kulungan.

Ang pagpapataw ng community service bilang parusa sa mga convicted sa minor offenses, ay magsisimula sa November 2, ngayong taon.

Sa ilalim ng guidelines ng Korte Suprema, kailangang maabisuhan ang akusado sa korte na mayroon siyang option na gawin ang community service sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Kung sakaling iapela ng akusado ang parusang community service, ay hindi na ito maaaring mag-apply ng panibagong community service o probation.

Kapag natanggap na ng korte ang community service application, ay kailangang maabisuhan ang barangay na pinangyarihan ng krimen, ganundin ang kinatawan mula sa Provincial o City Probation Office at Representative mula sa Social Welfare Development Office ng mga lokal na pamahalaan.