Pagpataw ng buwis sa mga online sellers, inirerekomendang para lang sa kumikita ng P3-milyon kada taon

Iminumungkahi ni Senadora Imee Marcos na imandato lamang sa mga negosyo na may taunang kita sa online transaction na P3-million pataas o buwanang kita na P300,000 pataas ang mga imamandatong iparehisto at mapatawan ng buwis sa ipinapanukalang internet transactions act.

Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Trade sa Senate Bill 1591, inirekomenda ni Senadora Imee Marcos na magkaroon ng threshold na ito upang hindi aniya maging pasanin sa mga maliit na negosyo online.

Kabilang sa mga ibinigay na halimbawa ng senadora ang mga stay-at-home moms na suma-sideline lang sa pagbebenta ng mga pagkain online na maaaring umaray sa mga registration at tax requirement.

Kabilang rin sa mga inirerekomenda ni Marcos ang pag-aalis ng ‘joint and solidarity liability’ provision sa panukalang batas na nagsasabing may parehong pananagutan ang mga online selling platform at online seller kung mabigong maprotektahan ang kaligtasan ng mga konsumer.

Giit ng mambabatas, kung hindi naman ito ipinapatupad sa mga tiangge at mall ngayon, bakit pa ito ipatutupad sa mga online selling platforms.

Tugon naman ng isa sa mga may-akda ng panukala na si Senador Sherwin Gatchalian, ang layunin ng probisyon na ito ay gawing responsable ang mga online selling platform sa mga itinitinda ng mga negosyanteng gumagamit ng kanilang platform at upang matiyak na ring walang mga illegal o depektibong na produkto ang maibebenta.

Nakatakda naman itong talakayin ng husto ng komite sa gagawin nilang technical working group meeting para sa pagpulido ng panukalang internet transactions act.

Sa datos ng DTI, pumalo na sa 13,674 na reklamo sa mga online transactions ang natanggap ng kanilang ahensya hanggang nitong September 25.