Pagpasa ng TRAIN 2 package dapat madaliin na – CEZA Director Raul Lambino

Suportado ni Cagayan Economic Zone Auhthority Director Raul Lambino ang pagpasa ng bagong package ng Tax Reform Acceleration and Inclusion 2 o TRAIN 2.

Ayon kay Lambino, mainam na mapasimulan na ang debate sa House of Representative patungkol sa TRAIN 2 upang mawala na ang pangamba sa sinasabing negatibong epekto nito sa kabuhayan ng pangkaraniwang mamamayan.

Aniya, mahalaga na mabigyan ng tamang impormasyon ang publiko sa tunay na layunin ng TRAIN 2.

Dagdag pa ni Lambino, may sistematikong kampanya para pasamain ang TRAIN 2 gayung hindi naman ito magpapataw ng bagong buwis na papasanin ng taumbayan.

Layunin lamang nito na mapababa ang corporate tax upang maalis ang Pilipinas sa may pinakamalaking corporate tax sa Asya.

Sinabi pa ni Lambino na nagkausap sila ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at tiniyak ng speaker na prayoridad ang pagpasa sa TRAIN 2. | ulat ni Rey Ferrer