Pagpapawalambisa sa lease contract sa Nayong Pilipino, pinauaubaya na ng Palasyo sa DOJ

Nasa Department of Justice (DOJ) na ngayon ang bola kung pag-uusapan ang kanselasyon sa kontrata na pinasok ng dating management at board ng Nayong Pilipino sa lease contract ng Nayon Landing Project.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagsalita na ang Pangulo tungkol sa isyu at nais nitong mabusising mabuti ang pinasok na kontrata na ngayon ay nasa poder na ni DOJ Secretary Meynardo Guevarra.

Ang pinag-uusapan naman dito ayon kay Roque ay kung paano mapapawalambisa ang lease contract na siyang gustong mangyari ng Chief Executive.

Kumbinsido at wala ng anumang bahid ng pagdududa aniya ang Presidente na may butas sa terms and condition ng kontrata dahilan upang ipasibak lahat ang board at management ng Nayong Pilipino.

Hindi naman nabanggit ni Roque kung kasama rin sa pinasisilip ng Pangulo sa DOJ ang posibilidad na kasuhan na din ang mga pinatanggal na mga opisyales ng Nayong Pilipino. | ulat ni Alvin Baltazar