Pagpapaunlad sa renewable energy na utos ng Pangulong Duterte, ‘di pa natutugunan ng DOE – consumers group

Pinuna na ng consumers group na tagapagtaguyod ng environment at clean energy, at ‘coal-affected communities’ ang Department of Energy (DOE) ang pagbalewala sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na paunlarin ang renewable energy at limitahan ang paggamit carbon sa bansa.

Ayon kay Gerry Arances, convenor ng People for Power Coalition o P4P at tagapagsalita ng consumer group Murang Kuryente, dapat nang kumilos si DOE Secretary Alfonso Cusi at gawin ang kautusan ng Pangulo.

Sa kabila aniya ng positibong pananaw ng Pangulo sa renewable energy, nakitaan pa rin ng pagiging bias si Cusi sa pamamagitan ng pagsuporta sa konstruksyon ng mga bagong coal-fired power plants.

Patunay nito na hanggang ngayon wala pang konkretong hakbang ang DOE para itaguyod ang renewable energy.

Binigyang-diin naman ni Philippine Movement for Climate Justice National Coordinator Ian Rivera, na ang DOE sa ilalim ng pamamahala ni Cusi ay nagsilbing ‘instrumental’ para sa pagsusulong ng coal projects na idineklara bilang ‘Energy Projects of National Significance.”

Ang DOE bilang head agency ng Energy Investment Coordinating Council ang nag-apruba sa kontrobersiyal na proyekto, gaya ng 1,200 MW Atimonan Power Station at 15 MW DMCI-backed coal powerplant sa popular tourist destination sa Palawan.