Pagpapatupad sa ‘franchise consolidation’, pinuna ng PISTON dahil panibago umano itong istilo ng LTFRB para ma-obligang bumili ng modernong jeepney units ang mga operator

Sa kanilang panibagong kilos-protesta ngayong araw, partikular na pinuna ng transport group na PISTON at No to Jeepney Phaseout Coalition ang hindi umano patas na ‘franchise consolidation’ na ipinatutupad ng LTFRB sa gitna ng implementasyon ng modernization program sa mass public transportation ng bansa.

Tinawag ni George San Mateo, taga-pangulo ng PISTON, na isang ‘marketing strategy’ lang ang ginagawa ng regulatory agency upang sa bandang huli ay mapilit silang bumili ng mga modernong pampasaherong jeep.

Ang pinatutungkulan ni San Mateo ay ang LTFRB Memorandum Circular No. 2018-008 na lalong pinatibay ang tinatawag na Omnibus Franchising Guidelines (OFGs) nito.

Banat ni San Mateo, iba na ang paraan ng pamahalaan sa pagpapatuloy ng phaseout sa mga lumang jeep dahil sa pamamagitan nito ay kailangan muna silang magtayo ng kooperatiba at korporasyon bago mag-apply ng prangkisa at saka oobligahing bumili ng modernong jeepney units.

Ang pagbuo aniya ng isang cooperative ay mabigat nang problema dahil may kaakibat itong malaking pondo bukod pa sa mga kasalukuyan nang problema ng kanilang hanay gaya ng walang tigil na oil price adjustments at pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Babala pa ng PISTON sakaling hindi maka-comply sa loob ng isang taon na palugit para sa aplikasyon ng bagong ruta at prangkisa nito ay ibibigay ito sa iba pang kooperatiba o korporasyon na aplikante rin sa ahensya. | ulat ni Shane Juan