Pagpapatupad ng Philippine ID System, tuloy na tuloy na

Handa na ang pamahalaan sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority (PSA), na ipatupad ang Philippine Identification System o PhilSys Act sa pamamagitan ng pagbuo ng Implementing Rules and Regulation (IRR) nito.

Ang PhilSys Act o Republic Act No. 11055, na lumilikha ng isang Central Information Platform sa lahat ng mamamayan at mga banyagang residente sa Pilipinas ay epektibo na simula bukas, Agosto 25.

Ang PhilSys Policy and Coordinating Council, ang inter-agency body na siyang bubuo ng mga polisiya at alituntunin upang masiguro ang epektibong koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na siyang inatasan na magpatupad ng National ID system, ay nagsagawa na ng orientation meeting nitong nakalipas na Agosto 15 upang simulan na ang implementasyon.

Ang IRR ay nakatakdang isapubliko sa susunod na buwan, na susundan ng information dissemination drive.

Iginiit naman ni PSA head Lisa Grace Bersales, walang sinumang mamamayan ang pagkakaitan ng serbisyo ng pamahalaan kung walang National ID, pero mas mapapadali umano ang access nila dito kung meron nito.

Aniya, inaasahan ang full implementation ng PhilSys sa loob ng 4 na taon na may tinatayang pondo na P30 billion. | ulat ni Ched Oliva