Pagpapatupad ng No Vaccine, No Entry Policy, hindi pa napapanahon, ayon sa Malacañan

Hindi pa napapanahon sa kasalukuyan ang pagpapatupad ng No Vaccine No Entry Policy ng mga local government units (LGUs) para sa mga establisyimento sa kanilang nasasakupan.

Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng ipatutupad na paghihigpit ng Lapu – Lapu City, sa Cebu.

Simula kasi ika-25 ng Agosto, hindi na papapasukin sa mga shopping malls, grocery stores, at public markets ang mga indibidwal na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.

Bagamat pinapurihan ng kalihim ang inisyatibo ng Lapu -Lapu City na paghihigpit sa kanilang lugar, sinabi nito na hindi pa angkop ang ganitong restriksyon sa kasalukuyan, dahil marami pang mga Pilipino ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang COVID-19 vaccine.

Ayon sa kalihim, ang ganitong polisiya ay ipinatutupad sa ilang bahagi ng Estados Unidos at France, dahil higit 50% na ng kanilang populasyon ang nabakunahan na.

“Siguro po hindi pa napapanahon kasi ‘yung mga ganyang restrictions po pinapatupad ng mga bansang France at ilang parte ng Estados Unidos kasi nakabakuna na sila ng more than 50% of their population.” pahayag ni Secretary Roque.