Pagpapatupad ng mas mahigpit na health protocol sa Northern Mindanao, pinanawagan ni Senador Juan Miguel Zubiri

Nanawagan si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa Inter-Agency Task Force (IATF) na magpatupad ng mas mahigpit na health protocols sa Northern Mindanao kasunod ng pagtaas ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Ayon kay Zubiri, bilang residente ng Northern Mindanao ay nababahala siya sa biglang pagsipa ng COVID-19 cases nitong mga nakalipas sa araw sa kanilang rehiyon.

Aniya, dalawang linggo na ang nakakaraan nang i-anunsyo ng kanilang regional IATF ang 300 percent na pagtaas ng mga COVID-19 cases sa Lanao del Norte at ngayong weekend naman ay umakyat na sa 962 ang mga kaso sa Cagayan de Oro (CDO) mula sa higit-isandaan lang nitong Marso.

Hirap na rin aniya ang mga ospital, gaya ng Northern Mindanao Medical Center at Bukidnon Provincial Medical Hospital (BPMH), sa pagtugon sa biglaang pagdami ng COVID19 patients.

Kaya naman para sa senador, maaaring mag-benepisyo ang rehiyon sa pagbabago ng kanilang quarantine classification at sa pagpapatupad ng mga localized lockdown sa mga lugar na may nakakaalarmang pagtaas ng mga kaso.

Sinabi pa ng mambabatas na maaaring kailanganin rin nilang ibalik ang negative COVID-19 test requirement sa byaherong papasok sa Northern Mindanao.

Umaasa si Zubiri na agad itong mapag-aaralan at maaaksyunan ng IATF upang mapigil ang posibilidad ng paglala ng sitawsyon.