Pagpapatupad ng ‘culture of security’ sa Davao City, kauna-unahan sa bansa 

Kauna-unahan sa bansa ang ipinatupad na ‘culture of security’ sa Lungsod ng Davao, ayon kay Col. Consolito Yecla, commander ng Task Force Davao (TFD).

Aniya, sa kanyang pag-upo bilang bagong commander ng TFD nangako siyang muling pag-aaralan ang security measures na ipinatutupad, upang mapanatili ang katahimikan sa lungsod.

Kaya nabuo aniya ang ‘culture of security’ dahil ito ang nakita ng awtoridad na epektibong disenyo para mapigilan at malabanan ang terorismo, sa pamamagitan ng boluntaryong pagtulong sa epektibong pagpapatupad sa mga hakbanging pangseguridad, maging mata at tainga ng kanilang lugar, maging tagapagpaalala sa mga polisiya at ordinansa ng lungsod, at maging bahagi ng defense system.

Dahil mabilis din aniya, kumilos at makagawa ng paraan sa paghahasik ng kaguluhan ang mga terorista, dapat makasiguro ang gobyerno na mas mauuna ng ilang hakbang ang tropa para mapigilan ang kanilang masamang balak sa lungsod.