Pagpapatupad ng 1-meter physical distancing sa mga pasahero ng public transport sa Cebu, pinaigting pa

Pinahigpit pa ngayon ng Cebu City government ang pagpapatupad ng one-meter physical distancing sa mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan na bumibyahe sa lungsod.

Ngayong araw nagpalabas ng memorandum si Cebu City Mayor Edgar Labella na nag-uutos sa mga sakop ng Cebu City Traffic Office at Cebu City Police Office na siguraduhing patuloy na sinusunod ang isang metrong agwat ng mga pasahero pati na rin ang mandatory na pagsuot ng face mask at face shield kapag nasa loob ng mga pampublikong sasakyan.

Layunin ng ipinalabas na kautusan na maipagpatuloy ang lahat ng mga ipinatutupad na hakbang ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang transmission ng COVID-19 kahit nasa maluwag na quarantine classification na ang lungsod.

Ayon pa kay Mayor Labella na mas higit na kailangan ngayon ng mga tao ang ibayong pag-iingat lalo na at maraming mga tao na ang nagsilabasan dahil sa muling pagbubukas ng komersyo sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Bagama’t suspendido pa sa ngayon ang pagpapatupad ng Department of Transportation (DOTr) sa reduced physical distancing ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan, iginiit ng alkalde na hindi ito susunod sa nasabing kautusan dahil malalagagay umano sa panganib ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero lalo na at nandiyan pa rin ang banta na dala ng COVID-19.