Pagpapatuloy ng fitness program ng PNP, ipinanawagan ni Gen. Sinas

Nanawagan si outgoing Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas sa magiging susunod na PNP Chief, na ituloy ang fitness program ng PNP na kanyang sinimulan.

Sa kanyang huling press conference, sinabi ni Gen. Sinas, na malaki ang maitutulong ng programa sa pisikal na kondisyon ng mga pulis.

Higit aniyang mahalaga na mapanatili ang kalusugan ng mga pulis, sa gitna ng umiiral na pandemya.

Ang fitness program ng PNP, ay simpleng apat na minutong pag ehersisyo tuwing 10 AM at 4 PM.

Kahapon ay kinilala ang top 10 “biggest losers,” na nakapagbawas ng timbang sa pamamagitan ng “chubby anonymous” exercise program ng PNP.

Pinangunahan ito ni Police Corporal Kenneth Paredes, na nakabawas ng 24.1 kilo sa kanyang timbang sa loob ng walong linggo.

Pero ang “biggest loser” pa rin ay mismong si Gen. Sinas, na nakapagbawas ng 72 libra o 32.7 kilo sa nakalipas na limang buwan.