Pagpapatibay sa Vaccination Passport Law, muling ipinanawagan ng isang mambabatas

Muling kinalampag ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong ang mga kasamahan sa kongreso na talakayin na ang panukalang Vaccination Passport Law.

Sa gitna ito ng pagtanggi ng Hongkong na kilalanin ang locally issued vaccination cards ng ilang OFW dahilan para hindi sila makapasok sa naturang bansa.

Diin ni Ong na hindi malayo na magkaroon ng kahalintulad na insidente sa hinaharap kung hindi magkakaroon ang Pilipinas ng isang vaccine passport na kikilalanin internationally.

Aniya ang vaccine passport ay magiging bahagi na ng new normal dahil tiyak na po-protektahan ng mga bansa ang kanilang residente mula sa banta ng sakit na posibleng dala ng mga dayuhan na papasok sa kanilang teritoryo.

Disyembre pa ng nakaraang taon nang ihain ni Ong House Bill 8280 kung saan nakapaloob ang full documentation ng pagbabakuna ng isang indibidwal upang ma-monitor ng mga otoridad ang efficacy at side effects nito kung mayroon man.

Dagdag ng kinatawan na dapat ding madaliin ang pagbuo ng isang nationa vaccination database upang ma-counter check ng immigration authorities ng ibang mga bansa ang vaccination card na ibinibigay sa fully vaccinated Filipinos.