Pagpapataas ng annual deployment cap sa healthcare workers, ikinatuwa ni Sen. Gordon

Nagpasalamat si Senator Richard Gordon sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), para sa pagpapahintulot na makapagtrabaho sa Qatar ang ilan nating mga kababayang nurse.

Nitong nakaraang linggo, ay nanawagan ang senator sa gobyerno na payagang ma-deploy sa Qatar ang pitong Pinoy nurse.

Ayon kay Gordon, kinikilala nila ang napakahalagang pronouncement na ito ng pamahalaan, at ikinagagalak niyang makakapaghanap buhay na ang mga nurse na ito na ilang linggo na ring hinihintay ng kanilang mga pamilya.

Sa ipinadala aniyang liham sa kanya ni POEA Administrator Bernardo Olalia, ipinapaalam ng opisyal na ipinasa ng IATF ang Resolution 122, nitong June 17, na nagpapataas ng annual deployment ceiling sa mga healthcare worker sa 6,500 mula sa dating 5,000 cap.

Sa naturang adjustment, ay mapoproseso na ang Overseas Employment Certificate (OEC) ng pitong nurse na patungong Qatar.

Bukod dito, sinabi rin ng mambabatas na ipapakiusap rin niyang mapayagan na ring ma-deploy sa ibang bansa ang ilan nating mga kababayan.