Pagpapasabog sa Isulan, posibleng may kinalaman sa pagkakapasa ng Bangsamoro Organic Law – PNP 

Posibleng may kinalaman ang pambobomba sa Isulan sa pagkakapasa ng Bangsamoro Organic Law.

Ito ang ipinahiwatig ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson S/Supt. Benigno Durana sa isang press conference kahapon sa Camp Crame sa kanyang pahayag na “peace spoilers” ang nasa likod ng dalawang pagpapasabog sa Isulan, Sultan Kudarat.

Sa magkahiwalay na press conference sa Camp Aguinaldo kahapon din, kinumpirma naman ni Armed Forces Chief (AFP) Spokesman Col. Edgard Arevalo na ang grupo ni BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighter Leader Esmael Abdulmalik alyas Abu Toraife ang siyang nasa likod ng ikalawang pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat.

Nauna rito ay tinukoy ni Philippine Army 6ID Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana na mga miyembro ng grupo ni BIFF Commander Ismael Abubakar alyas Bungos ang nasa likod ng unang pagsabog sa Isulan noong nakaraang linggo.

Ayon kay Durana, hindi naman kaila na ayaw ng BIFF sa peace talks kaya sila tumiwalag sa MILF.

Pareho lang aniya ang modus ng dalawang pagsabog na maminsala at pumatay na gawain ng mga terorista.

Isang phenomenon aniya na sa tuwing may usapang pangkapayapaan ay palaging mayroong “spoilers” na gagamitin ang karahasan para isulong ang kanilang political agenda.  | ulat ni Leo Sarne