Pagpapasabog ng NPA ng landmine sa Masbate, patunay na sila’y terorista -AFP

Pinatunayan ng New People’s Army ang kanilang pagiging teroristang organisasyon sa ginawa nilang pagpapasabog ng landmine nitong linggo sa Barangay Anas, Masbate City.

Ito ang inihayag ni BGen. Joel Alejandro Nacnac, ang Director ng AFP Center for Law of Armed Conflict, kaugnay ng pagpapasabog na ikinamatay ng dalawang sibilyan at ikinasugat ng isang menor de edad.

Mariin namang kinondena ni AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana ang pag-atake bilang paglabag ng NPA sa International Humanitarian Law.

Ipinaabot din ni Gen. Sobejana ang kanyang pakikiramay sa mga naulia ng mga nasawi na si Keith Absalon, 21, isang atleta ng Far Eastern University and at ang kanyang tiyuhin na sa Nolven Absalon, 40.

Ang 16 na taong gulang na anak ni Nolven na kasama nilang nagbibisikleta nang mangyari ang pagpapasabog ay tinamaan ng shrapnel at kasalukuyang ginagamot sa Masbate Provincial Hospital.

Patuloy naman na tinutugis ng mga tropa ng 2nd Infantry Battalion ang mga NPA na responsable sa insidente, katuwang ang Philippine National Police.