Pagpapasa ng nalalabing comprehensive tax reform measures, inaasahang mababanggit sa SONA ng Pangulo

Umaasa si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na mababanggit ng Pangulong Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address ang pagpapasa ng nalalabing comprehensive tax reform measures.

Partikular na tinukoy ng mambabatas ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act at Passive Income and Financial Intermediaries Taxation Act (PIFITA) na kapwa nakabinbin pa sa ngayon sa Senado.

Marami aniya kasing credit rating agencies ang positibo na makabubuti sa credit standing ng bansa ang pagpapasa ng naturang mga panukala.

Bukod dito, positibo rin si Salceda na bibigyang diin ng presidente ang pagpapasa sa mga bagong tax laws tulad na lamang ng pagpapataw ng buwis sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at e-sabong.

Para naman maisakatuparan at maisabatas ang mga fiscal at economic reforms ng Duterte administration, ay kailangan na maagang matalakay at matapos ng Kamara ang 2022 National budget.

Ilan naman samga panukala pa na target maipasa ng kanyang komite ang Fiscal Regime for Mining, Ease of Paying Taxes Act, Motor Vehicle Road Users’ Tax, at Excise Tax on Single Use Plastics.