Pagpapanagot sa mga DFA official na may kinalaman sa nag-viral na rescue video, ipinauubaya na ng Palasyo kay Cayetano

Ipinapaubaya na ng Palasyo kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kung sino sa mga DFA officials ang dapat na managot kaugnay ng rescue video na nag-viral at ikinagalit ng pamahalaan ng Kuwait.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na bilang pinuno ng departamento, may kapangyarihan si Cayetano na mag-imbestiga at magpataw ng kaukulang aksyon sa kanyang subordinate na mapapatunayang may pagkakamali.

Inihayag ni Roque na naghihintay lang din sila ng magiging aksyon ng kalihim at naniniwala silang magiging patas ang DFA chief sa anumang gagawin nitong hakbang kaugnay ng viral video controversy.

Isa aniyang abogado si Cayetano at alam nito kung ano ang dapat na gawin sa kanyang pinamamahalaang ahensya.

Sa ngayon ayon kay Roque ay nasa hurisdiksyon ni Cayetano ang anumang pasya patungkol sa mga opisyales ng DFA na nadadawit sa isyu ng pagpapakalat ng video na naging viral na pinalagan naman ng gobyerno ng Kuwait. | via Alvin Baltazar