Pagpapanagot sa mga batang nakagawa ng krimen na nasa edad 9, aprub sa Palasyo

Pabor ang Palasyo sa isinusulong na pagpapanagot sa mga batang siyam na taong gulang na nakagawa ng krimen.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, proteksyon din ito para sa mga bata na ginagamit ng mga sindikato at kriminal sa kanilang mga iligal na gawain.

Naniniwala si Panelo na may discernment na o nakakaunawa na ng tama o mali ang isang siyam na taong gulang.

Sa kabilang dako’y naniniwala din ang Palasyo na dapat umabot hanggang sa mga magulang ng minor offenders ang kaparusahan sa pamamagitan ng kulong.

Pagbibigay-diin ni Panelo, bukas sa ganitong ideya ang Pangulong Duterte at sa katunayan, kanya na itong ipinatupad noong siya’y alkalde pa lamang ng lungsod ng Davao.

Gayunpaman, nasa huridiksyon na aniya ito ng mga mambabatas.  | ulat ni Alvin Baltazar