Pagpapaluwag sa requirements ng mga proyekto para sa rehabilitasyon ng Marawi, isinusulong ni Sen. Marcos

Minumungkahi ni Senator Imee Marcos na luwagan ang mga requirement ng gobyerno para sa procurement at investment ng rehabilitasyon ng Marawi City.

Ito ay dalawang taon matapos masira ang naturang lungsod dahil sa pag-atake ng teroristang grupong Maute-ISIS.

Sa Senate Bill 410 na inihain ni Marcos, isinusulong na bumuo ng isang Bangon Marawi Council na siyang lilikha ng isang special joint-venture agreement (JVA’s) upang ayusin ang mga mosque at pabilisin ang pagbibigay ng titulo ng lupa sa mga residente doon.

Nakasaad rin sa naturang panukalang batas na exempted o hindi na masasakop ng NEDA guidelines ang bubuuing JVA’s ng itatayong konseho.

Gayunpaman, kakailanganin pa rin ng pag-apruba ng NEDA, DBM at Public-Private Partnership Center para matiyak ang efficiency, transparency, competitiveness at accountability sa proyekto.

Bahagi rin ng magiging mandato ng gagawing Bangon Marawi Council ang magtayo ng mas maraming shelters, magtayo ng mga madrassah at iba pang imprastraktura, ibalik ang suplay ng tubig, kuryente at telekomunikasyon at bumuo ng isang kapaligirang kaaya-aya sa pagnenegosyo.

Aatasan din itong magsumite ng monthly progress report na siyang ieeveluate naman ng isang joint congressional oversight committee mula sa dalawang kapulungan ng kongreso.