Pagpapalit ng US admin, walang epekto sa mga kasunduan nito sa Pilipinas para sa COVID vaccine

Nilinaw ni Philippine Ambassador to US Manuel Romualdez, na walang magiging epekto sa ginagawang pag-uusap ng Pilipinas at Estados Unidos para sa COVID vaccine, ang napipintong pag-upo ni President-elect Joseph Biden.

Matatandaan kasi, na ang mga pakikipag-usap sa kasalukuyan ng Pilipinas at US, ay pinangungunahan nina Foreign Affair Secretary Teddy Locsin Jr. at Secretary of State Mike Pompeo.

Ayon kay Ambassador Romualdez, mananatili lamang at magpapatuloy ang mga pag-uusap na ito kahit pa sa ilalim ng ano mang gobyerno.

Lahat naman kasi aniya ng bansa sa buong mundo ay nangangailangan ng bakuna laban sa COVID-19, at ang tanging paraan lamang upang matuldukan ang pandemyang ito ay mabakunahan ang hindi bababa sa 60 percent ng populasyon ng buong mundo.

Ayon kay Ambassador Romualdez, kailangang magtulungan ang lahat ng mga bansa upang ma-control ang virus, magkaaway man ang mga ito o hindi.